KASAYSAYAN:
Salaysay hinggil sa nakaraan na may saysay para sa sariling lipunan o grupo.
-DR. ZEUS A. SALAZAR


BAGONG KASAYSAYAN:
“Pagbawi ng diwa ng sinaunang kasaysayan (‘salaysay na may saysay,’ ‘pag-uulat sa sarili,’ ‘talastasan’) at pagsasanib at pagtatagpo nito sa ideya ng inangking historya (‘pagsisiyasat,’ ‘pag-uulat,’ ‘kronika,’ ‘historismo-positibismo’ at ‘interpretasyon’). …sa loob ng diwa ng ‘makabayang pagkilos’ at ‘pantayong pananaw’ na pangkabuuang Pilipino.”

(Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 11-12. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.)


PANTAYONG PANANAW:
“Ang buod ng pantayong pananaw ay nasa panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay-ugnay ng mga katangian, halagahin, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan—kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang wika; ibig sabihin, sa loob ng isang nagsasariling talastasan/diskursong pangkalinangan o pangkabihasnan.”

(Zeus A. Salazar, “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan,” sa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, eds. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, 82. Lungsod ng Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997.)



TALASTASANG BAYAN:
“Ang lipunan at kultura natin ay may ‘pantayong pananaw’ lang kung tayong lahat ay gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, …pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa. …ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali. Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.”

(Zeus A. Salazar, “Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag” sa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, eds. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, 56. Lungsod ng Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997.)


WIKANG FILIPINO:
“Hindi simpleng tagapagpahiwatig, tagapagpahayag at tagapag-ugnay ng kasaysayan ang wikang Filipino. Sapagkat daluyan ng kalinangan at karanasan, mabisa rin itong imbakan/impukan-kuhanan ng kasaysayan. Kasangkapan din ang wikang Filipino sa pagsusuri at pag-unawa ng mga pagpapakahulugan sa kasaysayan na nakaugat sa sariling kabihasnan…."

"Sa pamamagitan ng wikang pambansa, naging bukas at lantad ang kasaysayan sa pagpapalitaw at pagbibigay kahulugan, kabuluhan, katuturan. …Ngunit higit sa lahat maaaring tingnan ang wikang Filipino bilang pagsasakapangyarihan at pagpapalaya ng bayan at sangkapilipinuhan sa kasaysayan…. Ang kasaysayan at wika ay kapangyarihan.”
(Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 2. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.)


TUNGUHIN NG BAGONG KASAYSAYAN:
“Sa huli, sa harap ng globalisasyon—hegemonisasyon…masasabi nating mahalaga sa ating panahon ang patuloy na makabayang pagkilos…patuloy na paglikha ng kasaysayan para sa ganap na pagkamit ng kalayaan at kasarinlan ng Inang Bayan at pagkakabuo ng bansa at sambayanan lamang—tunay na magiging may saysay para sa atin ang bagong kasaysayan.”

(Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 34. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.)

"Harinawa’y sumapit ang bukang-liwayway ng bago at makabayang kasaysayang ito sa bagong dantaon—harinawa’y dantaon kung kailan ang bagong kasaysayan ay hindi na bago.”

(Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 34. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.)


BAHAY DAGITAB NG BAHAY SALIKSIKAN NG KASAYSAYAN : BAGONG KASAYSAYAN (BAKAS), Incorporated.

PO Box 366, UP Campus, Diliman, Lunsod Quezon, Pilipinas
Unit 2, No. 35A Escaler St., Loyola Heights, Lunsod Quezon, Pilipinas
Telefax: 927-2396 E-mail: carmen_penalosa@yahoo.com